Ang Teorya

Darating ang panahon na lubos na ninyo akong mauunawaan bilang isang tatay at yun ang panahon kung saan huli na ang lahat kung hindi ninyo pa nauunawaan ang lahat sa kasalukuyan.
Darating ang panahon na lubos na ninyo akong mauunawaan bilang isang tatay at yun ang panahon kung saan huli na ang lahat kung hindi ninyo pa nauunawaan ang lahat sa kasalukuyan.

Maraming pamamaraan upang tingnan ang tunay na kahulugan ng isang teorya. Ito ay inuugnay sa maraming aspeto at karanasan ng mga tao na minsan ay hinihimay sa huli na nanaayon sa paniniwala  Meron ding iba tao na ang isang estado sa buhay ay ang mas malaking kontribusyon upang maunawaan ang kahulugan nito.

Sa lahat na mga paraan ng pag-iisip batay sa aking mga nasabi ay hayaan ninyo akong tingnan ang isang teorya sa simpleng batayan lamang. Ito ay hindi patungkol sa anumang mga paniniwala, aspeto at estado ng buhay ng tao. Bagkus, ito ay ang simpleng pag-uugnay sa mga nakikinita kong gustong mangyari sa klase ng buhay na kahaharapin ang aking mga anak. Ito ay may kaugnayan sa kung papaano ko inihahanda ang aking mga anak  sa panahong ako ay wala na o kung sinuman ang nakaugalian na nilang tingnan bilang kanilang kalakasan sa buhay. Tandaan, ang bukod tanging importante sa kahit na anumang klaseng hamon ng buhay at maging sa ano mang tipong pakikidigma sa kapalaran ay ang kung gaano katatag na paghahanda ang isinagawa. Ang anumang kakulangan, kahirapan at karangyaan sa buhay ay hindi nararapat na ituring na balakid sa kung ano ang ginusto ng isang tatay na alam pinakahusay para sa mga anak o iba pang mahal sa buhay.

Minsan na akong naging isang anak sa aking mga pinagpipitaganang mga magulang na kahit kailan ay hindi ko na masusuklian ang kanilang mga sakripisyong ginawa para sa akin. Mga sagad sa butong pakikipagsapalaran sa buhay na sa aking musmos na edad ay aking nasaksihan at minsan pang ipnagkibi’t-balikat dahil sa kakulangan ng pag-uunawa sa kanilang pagpapakasakit na itawid ang pangangailangan ng pamilya.

Ako ay nagmula sa isang karaniwang pamilya na namuhay sa isang simpleng pamamaraan. Ang aking ama na si Antonio Rayos Abanes ay isang karaniwang manggagawa nuon sa Bicol River Basin sa Naga City. Nagsilbi siya bilang isang klerk subalit kinalaunan ay naapektuhan at natanggal sa trabaho. Dahil sa taglay na galing ng aking tatay sa makinilya ay nagsilbi siya bilang pampublikong sekretaryo ng Baranggay Sabang, Naga City. Sa totoo lang, walang panama ang mga nasa Recto sa galing niya sa pagtayp ng mga dokumento. May dalawang pagkakataon lamang kung saan siya ay nakatingin sa makinilya. Ito ay sa simula ng kanyang pagtayp at ang isa ay sa pagtatapos ng pagtayp. Hindi ko alam kung saan niya nakuha ang taglay na kasanayan at kung ito ay kanyang napag-aralan sa kanyang mga nakaraang trabaho, ngunit isa lang ang aking masasabi na siya lang ang taong kilala sa baranggay sa panahong yun na pinakamagaling sa makinilya.. Walang duda kaya siya ay nagsilbi bilang sekretaryo sa loob ng halos dalawampung taon.

Kinalaunan ay naging kagawad din ang aking tatay sa naturang baranggay at nanilbihan sa isang termino lamang matapos na hindi niya pirmahan ang proposal ng ibang pulitiko sa relokasyon ng isang komunidad na kanyang sinasakupan hahaha opo nuon pa man hindi uso sa pulitika ang prinsipyo lalo na sa mga trapo. Sa gitna ng mga trabaho ng aking tatay sa baranggay at iba pang mga boluntaryong paninilbihan, siya ay itinuring na tumatayong isang pampublikong ninong sa anumang mga okasyon ng binyagan at kasalan sa simbahan sa Naga City. Bakit? Dahil ang tatay ko ay isang kilalang litratista sa syudad at palaging handa na hatakin ng sinumang nagpapabinyag o kasal kapag nagkukulang ng ninong.

Maliit lamang ang kinikita ng aking tatay sa larangan ng pagiging litratista at nariyan pang siya ay ang bagsakan ng mga sisi at galit ng ilang mga kliyente dahil sa atrasadong paghahatid ng mga larawan sa itinakdang oras at araw. Sa mura kong edad nuon ang lahat nang ito ay aking nasaksihan at tuluyang pahapyaw na naunawaan. Aking napagtanto na ang pinakadahilan ng mga insidenteng hindi pagsasakatuparan ng aking ama sa pagbigay ng kanyang mga kuhang larawan ay dulot ng kanyang pagkakagastos ng perang idineposito ng kanyang kliyente. Pagkakagastos ng pera na hindi napunta sa anumang karangyaan kundi sa hangarin na paglaanan ng makakain at iba pang mga pangunahing pangangailangan ng kanyang pamilya.

Ang aking tatay ay isang simpleng tao na manamit at makisama sa mga tao. Kinalakihan kong mapagmasdan ang hindi kailanmang pag-inom niya ng alak at manigarilyo. Ang tanging bisyo niya nuon ay ang bumangon ng maaga upang asikasuhin ang lahat na kinakailangan ng mga anak bago tuluyang lumakad at maghanap-buhay. Sa maghapong minsan hindi niya pag-uwi ay alam kong siya ay nasa iba’t-ibang klaseng okasyon bilang litratista o naghahanap ng kita na naaayon sa kanyang kaalaman. Sa hapon o gabing pag-uwi niya ay nagmamadaling ipaghahanda ang pamilya ng makakaing hapunan habang naghihintay sa aking nanay na dumating mula sa pagtuturo bilang guro sa Cagbunga Elementary School. Sa tuwing pag-uwi ko mula sa paaralan o barkadahan ay dinaratnan ko siyang tulog sa balkonahe ng bahay na bakas ang sobrang kapaguran. Subalit sa tuwing mararamdaman niya ang pagdating ng kanyang mga anak at mahal na maybahay ay mas pipiliin niyang magpumilit na bumangon, pagsilbihan ang lahat at sabayang kumain kahit na maari niya nang gawin ito ng mas maaga para sa kanyang sarili.

Sa aking pagbibinata ay tagos pa sa aking puso at isipan ang mga paulit-ulit na pangangaral ng aking tatay patungkol sa pagpapahalaga ng edukasyon bilang tanging kayamanan na maibibigay at maiiwan niya. Makailang beses ko ding narinig sa kanya na tipong sirang plaka sa araw-araw na ginawa ng Diyos ang mga pagkakatanto niya ng kahalagahan ng pagbibigay puri at pasasalamat sa kahit na anong klaseng mga grasya. Maging ito man ay napakaliit o malaki sa pananaw at paniniwala na hindi kinakailangan bigyang pansin ang maling akala ng karamihang tao na ang tanging malalaking oportunidad lamang ang susi upang guminhawa ang buhay at maisakatuparan ang inaasam-asam na kapalaran sa buhay.

Ang tuwing ako ay nagmumuni-muni pilit kong binabalikang makita, marinig ang boses at makasama ang aking tatay. Siya ang tagapagpagunita ng aking napakalaking pasasalamat kung nasaan ang sarili ko sa kasalukuyan. Tinuruan niya akong pagyamanin at pagpahahalagahan ang kanyang katauhan bilang tatay. Kinalaunan ay aking napagtanto ang tunay na mensahe ng kanyang kakulitan at pagiging sirang plaka sa pagbibigkas ng mga samu’t-saring katagang patungkol sa pagtanggap at pagpapahalaga sa kanya habang buhay at may lakas pa.

Ang pagkamatay ng aking tatay ay nagdulot ng isang napakahirap na transisyon ng pagbabago hindi lamang sa aking nanay kundi na rin sa amin bilang mga anak. Nakita ko na sa buong panahon ng aming buhay pagkatapos niyang sumakabilang-buhay na ang aking tatay ang merong pinakamalaki,  pinakamataas na tungkulin at kontribusyon pagdating  sa aming pamumuhay. Napagmasdan ko kung paano naramdaman ng aking nanay ang pagkawala ng isang pangunahing bida sa pamilya. Isang sitwasyon kung saan ay tipo nawalan ng isang paa ang aming pamilya at tuluyang nahirapan sa paglakad. Marami ang naging bunga ng pagkamatay ng aking tatay. Lahat ay napilitang isaayos ang bawat sarili na naaayon sa kung ano ang mas kinakailangang gawin. Isinantabi ang hindi nakakatulong at nangangailangan ng malaking gastusin. Sa kabuuhan ay ginawa ko ang lahat upang hindi maging pabigat pa sa aking pamilya. Namuhay na simple at nakipagsabayan sa dagok ng buhay ng ibang tao at itinago sa lahat ang hirap na dinanas upang maiwasan ang pagdagdag pa ng anumang klaseng problema.

Taglay ang aking edukasyon, paniniwala sa lahat na ibinigay sakin ng aking mga karanasan hindi lamang sa pamilya kundi sa ibang tao din, aral ng hirap na mabuhay sa pagkawala ng isang tatay at mga adhikain na balang araw ay maiahon ang pamilya sa kahirapan ay sinuong ko ang mapait na katotohanan ng pakikipagdigma sa buhay. Pakikipagsabayan sa  totoong klaseng pamumuhay ng karamihan at sa mga tagong kaganapan na hindi nauunawaan ng iilan. Ang sitwasyong ito ang nagsilbi ding isang malalim na aral para sa akin kung ano at sino ang makatotohanang maasahan at magpapasiya ng mga desisyon.

Sa malaking porsyento ng aking pakikidigma ay napuno ang aking sarili ng mga kakaibang inisiyatibo at pambihirang diskarte upang sabayan ang takbo ng buhay na hindi itinuturing ang kahirapan bilang isang hadlang kundi oportunidad upang umusad ang buhay.

Natutunan kong ituring ang isang kariton ng goto bilang aking isang kusina. Ang kumain ng goto sa umaga, tanghali at hapunan. Ang tanging libangan ko lang ay pag-ibaibahin ang lasa nito. Maanghang o minsan naman ay namumulaklak sa bawang o sibuyas. Pinagpapalit-palit ang halong putahe ng goto mula sa kapiranggot na pirasong pakpak, itlog, paa ng manok at dugo ng manok. Sa tuwing pag-upo ko sa bangko ng aking karitong kusina at sa pagsubo ng pagkain ay hindi nawawala ang aking pakikipag-usap sa aking sarili na ang lahat ay may hangganan at sukling ikabubuti ng sarili at lahat. Minsan ay hindi ko naiiwasan ang lumuhang patago habang kumakain at ginagawang birong nasobrahan ang anghang ng goto. Maraming mga kaibigan at taong nakapansin ng aking iskedyul ng kain na palagiang lipas sa oras. Ang tanging pabirong sagot ko lang ay may hinihintay akong kasama sa pagkain ngunit lingid sa kanila ay hinihintay kong wala na ang lahat bago umupo sa aking kusina.

Dumating din sa aking punto ng buhay na ang anumang ukayan ng damit ay maging pinakamamahal kong aparador ng damit. Dito ko sa lahat na ginusto kong oras ay nakakakuha ng maisusuot na damit magmula sa pambahay, pangbarkada at kahit na panghanap ng trabaho. Kumpleto magmula sa sapatos,pantalon, longsleeve at kurbata. Sa tuwing pagharap ko sa kahit sinong mga tao ay hindi kailanman nila binigyang pansin na ang aking pananamit ay katas ng ukay at bagkus ay mga papuri na kakaiba at mamahaling “signature” ang sinasabi nila. Tanging sagot ko lamang ay “wala yan, sale sa SM”, sabay ngiti at palit ng paksa bago magtanong kung saang branch.

Isa sa aking mga kakaibang diskarte sa buhay ay ang ituring ang anumang maabutang bakanteng “comfort room” ng alin mang sikat na pampublikong kainan at ng mga Local Government Units bilang aking banyo. Dala sa lahat ng oras ang aking “comfort zone” na backpack na puno ng lahat na mga pangunahing kailangan ay lumalabas ako mula sa aking banyo na presko at naka-isputing na malupit. Kaya naman makailang beses nang naiwan ko ang aking backpack at ibinabalik sa aking buong-buo. Ano nga ba naman ang pakikinabangan nilang laman kung ang lahat na makikita ay sabon, kutsara at tinidor, shampoo, bimpo, toothpaste, at iba pa.

Kalat sa mga “strategic” kong lugar ng mga kaibigan ang aking damit kung saan ako ay nakikituluyan. Ito ang aking pinakamamahal kong itinuring na kwarto. Ang kaibahan at kalamanagan ko lang sa lahat ay maraming kwarto ako sa iba’t-ibang lugar. Hindi ko kailangan magdala ng maraming damit kung saan man ako pumupunta. Alam ko ang klase na meron ako sa isang partikular na lugar at wala akong pangamba kung magkulang man dahil nagkalat din ang aking mga aparador ng damit sa kahit saan man.

Ang mga tipong diskarteng ito ang nagtulak saakin na ipagpatuloy ang pakikidigma sa buhay na walang halong pagsisisi dahil alam ko ang lalim ng aking kakulangan ng pag-unawa at pagbibigay pansin sa mga aral at gabay na sinabi ng aking tatay. Naunawaan ko man ang ilan ngunit hindi ko napaglaanan ng pagpapahalaga ang kahulugan. Hindi ko din napaghandaan ang lahat ng mga kahihinatnan sa oras ng pagkamatay ng aking tatay. Nagkulang ako sa pakikinig at paghahanda ng sarili upang maging isang mas matatag pang tao at hindi maranasan ang aking kakaibang tadhana.

Mahirap minsan na isipin sa aking paglalakbay sa buhay ay makita na sa dami kong mga taong natulungan ay iilan lang ang tutugon sa panawagan ng pangangailangan. Subalit sa lahat na mga taong malapit at walang sawang tumulong ay naunawaan ko pa din na ang tanging susi sa pagbabago sa buhay ay walang iba kundi ang aking sarili. Napagtanto ko na sa takbo ng buhay at kinagisnang kultura ng bawat pamilyang pinoy ay malayong hindi mangyari ang kahalintulad na naranasan ko kapag hindi mapagbigyang pansin ang isang paghahanda. Mayroong dalawang aspeto sa kasalukuyang buhay ang aking masusing pinaghahandaan.

Ito ay patungkol sa sarili at sa aking mga anak. Hindi kaila sa aking mga anak na sina Alyssa, Alyanna, Albert John at Allih Charo ang aking walang hanggang pagmamahal sa bawat isa sa kanila. Naniniwala akong alam nila at nararamdaman ito lubos pa sa aking inaasahan. Katulad ng sinumang mga tatay, malaki ang aking pangamba ngayon pa lamang sa tipo ng preparasyon sa buhay na kahaharapin nila. Ang element ng panahon at oras ay ang mayroong pinakamabigat na konsiderasyon. Palagian kong isinasaisip ang agwat ng aking edad sa aking mga anak at ang timeline ng aking kakayahan na panatilihin ang lakas at kakayahan na gumalaw para sa kanila. Sa aking pagtatasa ay mayroong mahigit kumulang na tatlumpo’t lima na lamang ang aking maisusugal at gugunuin na laro ng buhay. Maiksi kung titingnan ngunit sa isang masusing paglaan ng pokus ay maaring maisakatuparan.

Mga bata pa lamang ang aking mga anak ay dahan-dahan at pilit kong isinisiwalat sa kanila ang kaalaman ng pagbibigay ng kahalagahan sa mga simple bagay na malimit na nakakaligtaan ng karamihan. Simula sa pagbibigay tuon ng paggalaw o pagtulong sa anumang mga gawaing bahay, pagmumulat ng mga sarili sa mga nararapat na kaugalian patungkol sa sariling pag-aaral at kaalaman sa pakikibagay sa ibang tao sa pangkalahatan. Bawal ang reyna o hari kahit na may kasama sa bahay. Lahat ay mayroong kanikanyang responsibilidad na dapat gampanan depende sa edad at kakayahan.

Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga kaugalian ng aking mga anak: mula sa paghahanda at pagliligpit ng hapag kainan ay alam na nila kung sino ang dapat na magpupunas ng mesa; magdala ng mga kubyertos, baso at pinggan sa hugasan; magwalis at mag-aayos ng mga upuan at kung sino ang maghugas ng mga kagamitan. Binibigyang pansin din ng mga anak ko ang oras ng pag-aaral na ang aking tanging habilin ay simple lang. Kung walang gawain mula sa paaralan ay magbasa. Kung hindi nauunawaan o nayayamot sa binabasa ay magbasa pa din. Ang kinakailangan ay tapusin lang ang isang oras na magkakasama sa isang kwarto na nakatuon sa pag-aaral.    Sa tuwing lumalabas ay itinuro ko din sa kanila na isang karapatan ng bawat isa sa kanila ang humingi ng resibo sa kahit na anumang transaksiyon. Natutunan nila mula sa kanilang murang edad ang humingi ng opisyal na resibo sa bawat pamimili nila. Dalawang bagay ang aking intensiyon. Isa ay mamulat sila sa kahalagahan ng sentimo ng paghahambing kung saan ang mas praktikal na bumili o kumain. Pangalawa ay matulungan ang mga negosyante na tuparin ang kanilang responsibilidad na magbayad ng buwis.

Sa paglipas ng panahon ay binago ko na din ang aking pamamaraan ng pagmumulat sa aking mga anak. Dala ng aking pagkakalantad sa iba’t-ibang mga bansa at sa pakikihabilo sa mga taong mayroong magkakaibang kultura ay sinira ko ang nakagisnang kaugalian ng kulturang pamilyang pinoy sa pakikibagay sa mga anak. Ang mahigpit na pagtatago ng kaukulang karapatan ng mga anak na maging malaya at masaya sa kanilang mga murang edad ay sadyang nararapat lamang na maibigay at maiparamdam.

Ang bukod tanging gawain at tungkulin ng sinumang magulang na katulad ko ay ipakita ang lahat na mga katotohanan ng ating lipunan at mga tao. Maging ito man ay nasa panig ng kabutihan  o kasamaan. Walang halong pambobola at pananakot kundi isang payak at malinaw na pagsasalarawan ng lahat na posibilidad na mangyari sa sarili.

Natatandaan ko pa na sa isang punto ng aking paglalantad sa aking pinakatandang anak patungkol sa mga karapatan ng isang babae at ang isang mapait na katotohanan ng lipunan ay dinala ko siya sa isang pook aliwan sa Makati. Nakita niya ang maraming kababaihan na sangkot sa mga makamundong kalakalan. Nariyan din ang aking pagpapakita sa kanila nga mga pamilya at batang naninirahan sa mga kalsada at ang mga taong nakakulong dahil sa mga nagawang mga kasalanan sa lipunan. Walang idinudulot na maganda o positibo sa buhay ang panunuod ng mga paulit-ulit na mga balita tungkol sa patayan, nakawan, baho ng lipunan kung hindi makikita at mararamdaman ng mga anak ang tunay at makatotohanang halimbawa. Sa totoo lang alam ng mga anak ko na taon na ang mga binilang nang alisin ko ang aking koneksyon sa panonood ng telebisyon.

Simple lang ang pormula. Taus-pusong ipaunawa ang lahat na katotohanan ng lipunan at mga tao sa mga anak, tulungang kilalanin ang mga uri ng asal na naaayon sa ikabubuti ng sarili at ibigay ang isang kalayaan subalit saklaw ng matalinong pangangasiwa.  Sa mga panahong nagkakamali o nagkakasala ay mahigpit na upuan at pag-usapan ang mga sumusunod: pagkilala ng anak sa mga nagawang kamalian at pagbibigay ng kahalagahan ng mga posibleng natural at rasyunal na kahihinatnan ng kanilang mga nagawang kamalian patungkol sa pamilya, paaralan at komunidad.

Ang isang mapait na realidad ng karamihang pamilyang pinoy ay malimit na kaligtaan o bigyang pansin ang prosesong ito. Mas pinipili pa ng mga magulang na saglitang pagalitan at pagsabihan ang mga anak nang walang inisyatibong pagkalooban ng kalidad na oras upang mapag-usapan. Hindi isang matalinong dahilan ng sinumang mga magulang ang magsabing abala sa negosyo, trabaho, pag-aaral, pagtatambay, pagtotong-its, pagsasabong, pakikipag-inuman, pagsusugal, pakikipag-clash of clans o iba pang kagilas-gilas na mga rasong galing sa kalawakan upang hindi maupuan ang isang mas mahalagang usapin. Ang lahat na mga ito ay nakabatay sa klase ng henerasyon ng mga anak at pangkalahatang basehan ng kanilang mga kinahihiligan.

Aking ipinaparating sa aking mga anak na halos ang lahat na mga nakikita nila ay matagal nang nangyayari at umiiral.   Sa muli, simpleng pagpapaliwanag katulad ng mga sumusunod: ang gin ay nakita ko nang iniinom ng aking mga lolo at ito ay nanatiling gin pa din sa kasalukuyan. Ibig sabihin ay hindi kailan pa man masusupil o matatalo ang gin lumipas man ang ilang henerasyon. Maraming mga tao ang nagmimistulang mauubusan ng mga alak sa tipo ng kanilang pag-iinom subalit humahantong sa mas maagang kamatayan habang ang  gin ay buhay pa; pagdating sa pag-ibig ay kakaibang pormula ang aking ibinigay sa aking mga anak. Ang katotohanan sa anumang mga pakikipagrelasyon ng mga tao ay karaniwang humahantong sa hindi inaaasahan. May mga hindi mapalad habang ang iba ay tinatamasa ang kaligayahan ng itinuturing nilang perpektong relasyon. Maging anuman sa dalawa ang pinaniniwalaan ay hindi ko maaaring ilagay sa alanganin at isugal ang aking mga anak kung sila ay hindi maimulat sa katotohanan ng aspetong ito.  Samakatuwid, ibinigay ko sa kanila ang pormula ng makatotohanang paghahanap ng makakarelasyon na walang pagtatago ng mga posibleng kahihinatnan ng mga ito. Ang pormula ay kung sila ay mananatiling walang pinag-aralan o mangmang ay makikilala lang nila at makakasama sa buhay ay kapwa katulad nila. Kung nasa paaralan at maagang nagkamali sa desisyon tulad ng nabuntis o nakabuntis ay malaking posibilidad na ang taong makakasama ay kapwa estudyante lamang. Habang kung magtatapos sa pag-aaral at ganap na maging isang propesyunal ay naturalesa na ang mga manliligaw at makakasama ay mga kapwa propesyunal o higit pa.  Alam ng mga anak ko na ang isang pagkakamali ay magdudulot ng isang mapangwasak na dahilan upang hindi na maisakatuparan ang kanilang mga mithiin at plano sa buhay. Dahil dito ay taglay nila ang isang matatag at malalim na pagpapahalaga ng mga hangganan ng kanilang kalayaan na hindi hango sa panggigipit at pananakot ng isang tatay o magulang.

Sa ngayon ay matiwasay na nakapagtapos na ang aking panganay sa kolehiyo at isang propesyunal nang namamayagpag bilang isang Mangagawang Panlipunan na matalino, masipag at kilalang lider ng mga kabataan. Nasa karir na pagplaplano pa na siya ay makapagtapos ng abogasya. Ang isa kong anak na darating ang araw ay magiging isang inhinyero ay matiyagang tinatapos na ang kanyang pag-aaral habang ang dalawa ay nasa primarya at sekondaryang pag-aaral.

Patungkol sa aking sariling teorya bilang tatay ay walang iba kundi ang panatilihin ang pagiging malusog at ligtas sa lahat na oras. Wala sa aking pangangatawan sa kasalukuyan ang ibig sabihin ng edad. Para sa akin, ito ay mga numero lamang na huminto ang bilang noong ako ay dalawampu’t limang taong gulang pa lamang. Ang lahat ay nakasalalay lamang sa pagtatakda ng mga positibong pag-iisip na nakatuon sa pagpapanatili ng kalusugan at katatagan. Nakaugalian ko nang hindi iwanan ang pagtakbo ng malayo at paglalaro ng bodyboarding. Idagdag pa ang mga paminsan-minsan na pagbubuhat upang mapanatiling ang malusog na pangangakatawan. Sa ngayon ay natagpuan ko ang panunulat bilang isang mabisang ihersisyo pagdating sa pagpapanatili ng talas ng isip.

Sa buod, ang teorya ay mas matagumpay na maibabahagi sa mga anak kung ang isang tatay ay alam ang mga pasunod-sunod na proseso at mulat sa idinulot ng mga karanasan ng kanyang pansariling paglalakbay sa buhay. Isang magandang kapalaran din ang hinihintay ng mga anak kung ang isang matalinong paggagabay ay ibinase ng mga tatay sa malawak at bukas na katotohanan ng mga uri ng sistema at katauhan ng lipunan at mga taong nakapaligid. Mas epektibo at may kaukulang malalim na pagtatasa sa kapantayan ng mga anak kung mas marami ang maipapakita at maibabahaging negatibo upang ang mga ito ay mas lubos pang maunawaan at mapaghandaan nila. Walang halong pagtatago ng mga katotohanan sa kahit na anumang antas at ang mga pambobola ay hindi kailanman makakatulong. Deretso at prangka ngunit matapat na pagturing sa mga anak ay lubos na magbibigay ng malinaw na gabay. Walang dapat ikatakot na pag-usapan ang lahat na mga posibilidad na mangyayari sa panahon ng kamatayan ng isang tatay. Tandaan, ang teorya ay patungkol sa paghahanda.

Handa ka na ba ‘tay? Ikaw ‘nak? Tara na at harapin ang hamon ng mapusok na katotohanan.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s