Ang Huling Sulyap Ni Alberto

 

Dahil sa mabilis na paglago at paglaganap ng apresasyon at pagpapahalaga ng mga tao sa layunin ng KUYAKOY ART CAFE sa payak na pagtulong at pagsulong ng isang malawakang pagkilala sa bawat YOUNG ARTISTS ng Camarines Norte ay natagpuan kong muli ang aking sarili na hawak ang lapis at papel.

Hindi ko akalain na sa muli ay dadalhin ako ng aking mahiwagang diwa sa isa nanamang dimensyon ng pagsasalarawan at interpretasyon ng aking mga karanasan at kinabukasan. Mga misteryong minsan ay patuloy na walang humpay na naglalaro at sumasayaw sa aking isipan at naghihintay na lumabas at maisalin sa isa nanamang obra ng kababalaghan na aking bibigyang buhay sa KUYAKOY ART CAFE sa kanilang SPOKEN WORD POETRY. 

Maraming salamat sa mga young artists ng Camarines Norte State College na naging dahilan ng aking pagkapukaw upang matapos ang “ANG HULING SULYAP NI ALBERTO”

Patnubayan kayo sa pakikipaglakbay sa aking diwa.

 

Sa hindi mabilang na mga kadahilanan/

sa isang buhay kong puno ng pagkabalisa

at kapaguran/ay nararamdaman ko na ang oras

ay ang nagsisilbing tangi kong regalong

pansamantala lamang/

 

Ang mga segundo,/ minuto,/ oras, /araw,

lingo at buwan na nagtatapos/

ay pilit kong pinagtutuunan ng pansin,/

subalit sa huli ay nasasabi kong/

ang mga ito ay sadyang pangkaraniwang

lumilipas lamang./

Bawat mga gawain ay pilit na matagumpay

na ipinararating/ at ipinararamdam/

sa mga tao upang mapasaya at mapagpahalagahan, /

sa kabila ng isang dingding ng mga matang

pagod/ ngunit pinagpapala./

 

Ang pagsusulat ng isang bukas na tula

katulad nito/ ay nakagagambala /

dahil ang isa sa mga pinakamahirap

na gawin ng isang tao/ ay kaharapin ang sarili. /

Subalit ito ay itunuturing kong

isang pagkakataon/ upang mailahad

ang sarili habang kaya at magagawa pa/.

 

 

Ang aking tula ay pinamagatang “Ang Huling Sulyap Ni Alberto”./

 

Ikaw naman isa kang manhid. /

“isang pabulong na komento

ang sumagi sa aking pandinig”./

Wala kang ginawa kundi ang

daan-daanan ako/ kahit na

ibinibigay ko sayo ang lahat na

tumpak at saktong kailangan mo. /

 

Wala akong magawa kundi

ang maghintay ng takdang panahon/

upang maalala mo lang ako

kapag kinakailangan. /

Ang bawat pakiramdam kong nananalaytay /

sa aking buong pag-iral /ay tila

mga patak ng isang malamig na tubig/

sa gitna ng tag-init. /

 

Isang panis na kanin at ulam/

sa isang pyestahan./ Isang black and white

na pelikula ng pinapipitaganang Oscar Awards. /

Isang double overhead na alon ng Bagasbas Beach /

subalit pinili ng mga surfers na pagmasdan lamang./

 

Isang malaking tarpaulin ng mga pulitiko /

na puno ng mga pangako /

ngunit lahat naman napako./

Isang matabang na kapeng barako ng Batangas./

Isang blankong canvass ng isang art exhibit. /

Isang nagmamahal/ na

hindi alam ng girlfriend na sila na pala. /

 

Isa kang wagas na manhid /

upang  titigan mo lang ako/

ngunit sarili mo lang ang iyong nakikita. /

Ang titigan ako upang maisalarawan mo/

ang iyong sarili bilang maayos ang buhok, /

mukha,/ pananamit /at posturang gwapo /

ngunit hindi mo lang alam /

na naghuhumiyaw akong hindi ka kagandahang lalaki. /

 

Ang kapal ng mukha mo /

upang paratangan akong /

hindi nagsasabi ng katotohanan /

at maka-ilang beses mo na akong tinuligsa /

na dapat nang palitan na ng bago. /

 

Isa kang manggagamit ng aking kakayahan/

na makapagparating ng mga pawang katotohanan /

kung sino ka at ano ka na walang halong bola. /

 

Ako, /ako /at ako/

ang iyong buhay na saksi/

Mula nang ikaw ay ipinanganak/

Kung saan ang mga magulang mo/

Ay masayang nakatitig sa iyong kamusmusan./

 

Ako ang iyong buhay na saksi/ sa iyong

Paglaki/ simula pagkabata hanggang sa pagkabinata./

Ako ang iyong pinakatanging saksi /

nang matutunan mong ayusin ang sarili mo/

para sa first love mo/ na binasted ka/

ako ang iyong pinagbuntungan mo

ng sama ng loob/ habang umiiyak ngunit  ako ay natawa ha!ha!ha!/

sa paulit-ulit mong pagsabing torpe,/ torpe./ torpe!/

 

Ako ang iyong kaharap sa tuwing nagdadamit

ka ng mga iniidolo mong mga superheroes/

at ako ang makakapagpatunay na hindi ka

kailanman/ magiging si Voltes V/

Ako ang iyong anino/ nang ikaw ay minsan pang

Naging laman ng kalsada/  dahil sa pakikibaka/ at idelohiya/

At ako ang iyong pinakadiwa ng mga makabuluhan mong misteryo./

 

Ako ang iyong buhay na saksi/

Na kinalaunan ay natuklasan kong

isa ring piping saksi./

 

Piping saksi sa mga emosyon mong ibinuhos/

Dahil sa pagmamahal, /tagumpay,/ pagkabigo,/

pagmumuni-muni,/pagkawalang pag-asa/ at paghahamon

sa kakayanan ng sarili./

Isang piping saksi na makapagpapatunay/

Na ikaw ay tahimik/ ngunit mabalasik na tao/

Na kailanman ay hindi itinuring ang kahirapan/

Bilang isang balakid sa edukasyon /at makamit ang

Mga pangarap na lagpas pa sa inaasahan./

 

Isang piping saksi/ na patuloy na maninindigan/

Na ikaw ay isang responsableng tatay/ sa iyong mga anak/

Na ang bawat pagbabago ng mga ugat mo sa katawan /

Ay hatid ang kaginhawahan,/ proteksyon/ at pagmamahal./

Na ang dahan-dahan mong di maiiwasang  panghihina /

Ay malayong tagumpay/ ang taas-nuong hatid/

Sa mga katuparan ng iyong mahusay na pagdisenyo/

Ng bawat kinabukasan ng mga anak mo./

 

Ako ang iyong piping saksi

sa makailang beses mong pagkadapa/ at pagtayo/

sa paglakad sa ibabaw ng mga tinik ng hamon ng buhay/

sa pagsuong sa samu’t-saring mga dilubyo /

at sa pakikisama/ sa mga tinamaang lintek na plastik na tao./

 

Ako ang iyong piping saksi/

Sa pagtulo ng mga luha mo/ sa kabiguan at kasiyahan/

Sa pagkikipag-usap sakin/ kung ano pa ang mga maaring dapat gawin/

bagama’t nagagawa mo na rin ang lahat./

 

Ako ang iyong piping saksi/ na magpapatunay

Sa iyong paghulapos sa kadena ng mga bangungot/

Na tahimik mong kinimkim at itinago/ upang

Mapanatili mo lamang/ ang isang masayang relasyon/

Sa pinakamamahal mong mga anak./

 

Ako ang iyong piping saksi/ sa pagdating

Ng kasagutan sa dasal mong matagpuan ang pinakabukod

Tangi mong mamahaling babae /

Ang babae na nagsilbing pedestal/ ng kasalukuyan mong pagkatao /at pagbabago/

Ang babae sa iyong paniniwala na ang pag-ibig/ ay ang kahulugan ng buhay./

Pero bakit ganun? /

Sa dinamidaming alam ko saiyong pagkatao/

Ang lahat ay pawang kabaliktaran naman sa akin/

Ni minsan/ ay hindi mo ako nakita bilang ako/

Ni minsan/ ay hindi mo ako binigyan ng pangalan/

Ni minsan /ay hindi mo napatunayan ang aking silbi/

At hindi kailanman mo ako napasalamatan./

 

Hindi mo nakita ang aking pagbabago/

Simula sa isang napaglalagusan ng paningin/

Hanggang sa aking pagbibigay saiyo ng makatotoong anino

Ng iyong buhay/ simula sa kapanganakan at sa kasalukuyan/

Ano pa ba ang magagawa ko ngayon?/

Na mas pinili mong kalimutan ang lahat/

At mas bigyang pansin ang mga pansarili mong

Kailangan sa iyong paglalakbay dito sa mundong ibabaw/

Wala akong magagawa kundi bigyang galang ang iyong pagpikit/

At sundan ang kalikasan ng aking sariling buhay/

 

Katulad sa simula ng ating relasyon/

Ay ibinabalik ko ang lahat na respeto/

Na nag-ugat sa isang nagpaglalagusan ng paningin/

At ang iyong huling sulyap /ay aking maipasa sa mga mahal mo sa buhay./

Ang iyong huling sulyap ay aking tatanggapin/

Subalit  mananatiling simula ito/ ng ating makabagong paglalakbay bilang mga abo/

Saksi ang kalawakan/ at bawat sayaw ng mga alon sa dagat. /

 

Maraming salamat/ sa pagkakataon Alberto/

Maraming salamat /sa mahal na buhay Alberto /

Maraming salamat /sa huling sulyap ni Alberto./

 

 

 

P.S.:

Ang KUYAKOY ART CAFE ay isang abenida ng mga YOUNG ARTISTS o kahit sinong tao na may pagmamahal at malasakit sa sining ng musika, panulaan, potograpya, malayang pagsusulat, intelektwal na diskusyon at iba pa. Ito ay patuloy na naghihimok  at nagtataguyod ng isang non-political na layuning makatulong at makapagpukaw ng mga tagong talento ng mga tao lalong-lao na sa sektor ng mga kabataan.

Ang KUYAKOY ART CAFE ay isang misyon na ang konsepto ay matagal nang napag-isipan at napagplanuhan nila G. ALBERTO at Gng. FE bilang non-profit at non-political na programang nakatuon sa pagsuporta ng mga nasabing sektor. Ito ay bukas para sa lahat na nagnanais na magsagawa ng anumang klaseng EXHIBIT ng kanilang mga OBRA. Ito ay mayroon ding magandang entablado na naghihintay sa lahat na ipakita ang anumang talento. Ang lahat ay WALANG BAYAD.

Ang KUYAKOY ART CAFE ay ang magsisilbing kanlungan ng paghuhubog ng mga YOUNG ARTISTS na mabigyan ng mga boses at karapatang makilala bilang mahalaga at natutulog na mga higanteng sektor ng lipunan.

Sa kasalukuyan, ang KUYAKOY ART CAFE ay ang tahanan ng YOUNG ARTISTS GUILD OF CAMARINES NORTE na binubuo ng pawang mga kabataan na nagmumula sa iba’t-ibang klaseng takbo ng buhay at taglay ang mga kakaiba at nakapagmamanghang mga talento.

Ang KUYAKOY ART CAFE ay matatagpuan sa Purok 5 Borabod, Daet, Camarines Norte at matatawagan sa: 0918-684 2001. Ito rin ay mayroong FACEBOOK PAGE na KUYAKOY ART CAFE para sa mga updates ng lahat na kaganapan. Sa ngayon, ito ay bukas sa publiko sa  araw ng SABADO para sa OPEN MIC FOR ALL AGES. Ang kasiyahan ay palagiang nagsisimula sa ika-6:00 ng hapon hanggang 11:00 ng gabi.

 

Kitakits. Maraming Salamat po.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s