Inukit Sa Puso

 

Marahil ay maituturing mong korni at baduy ang sulat kong ito. Baka nga hindi mo na tapusing basahin kasi maninindig ang balahibo mo sa kahihiyan at magkaroon ng pakiramdam ng panliliit saiyong mga kaibigan at mga kilalang nakapaikot saiyo.

Sa palagay ko ay nakakunot nanaman ang iyong noo at mistulang nakangiwi dahil para saiyo ay isang pangkaraniwang hugot nanaman ang nais kong iparating. Isang basa mo pa lang sa unang linya ay may agam-agam ka nang alam mo na ang katapusan ng sasabihin ko.  Alam ko na ‘yun at tanggap ko kung anuman ang pasya mo. Sino ba naman ako ika nga para saiyo. Wala di ba, kundi ang isang pangkaraniwang alam at kilala mong naayon sa paghusga mo.

Sabagay, iba na ang tipo ng mundong ginagalawan mo. Puno ka na ng kulay, samantalang ako ay tila kulay abo na kung saan nakatirik parang kandila ang mga matatayog na gusali na minsa’y naging sanhi ng maraming pagkawasak at pagdadalamhati. Ang pagkahitik mo sa impormasyon at kung tawagin na teknolohiya ay kagila-gilalas at kapuri-puri. Sa katunayan naturuan mong talikuran ng karamihang kabataan ang nakagisnang pagmamahal at pagkakaisa sa pamilya. Samantalang ako? Ito, nasa isang tabi, itinuturing mong napunggok,  huli sa balita at na pag-iwanan ng iyong panahon.

Ang tuwing pagtitig ko sa araw, mula sa pagsikat at paglubog nito, sa bawat hampas ng alon sa tabi ng malawak na dagat ng Bagasbas Beach, ang bulubunduking natutulog na bulkan ng Culasi tila lumang asta at kapanahunan pa ng mga sinauna para sa mundo mo. Sing bilis ng isang pangkarerang kabayo kung kumaripas ang salitang binibigkas mo, parang isang kamelyon sa papalit-palit ng anyo depende kung ano kinakapitan nito, oo ganun ka. Samantalang ako? Ito ‘sing kupad ng pagong na kinukutya ni matsing, sa bawat sambit ng aking tinig sa kawalan na walang mapanghawakan na sariling kasarinlan.

Pero ito ang mapagmamalaki ko sa iyo: sing kulay ka man ng bahaghari na lumulutang sa kasakdalan ng langit, hindi mo maitatanggi na ang kinatitirikan ng iyong matayog at matatag na kaharian ay abo ng mga nagdanas ng sakit at hirap, sa parusang kanilang tinamo, mula sa mapang-aliping lipunan.

Abo ng mga dakilang tao na bumangon mula sa pagkalugmok ng hindi inaasahang uri ng kabuhayan. Oo makulay ka, abo ako. Pero hindi mo ako maisasantabi. ‘sing hitik ka man sa impormasyon tulad ng puno ng mangga sa bakuran ng lola ko, sinisigurado ko naman sayo, ninanamnam ko ng buong puso at isipan ang mga salitang lumalabas sa bibig ng magulang ko. Ni minsan ay hindi ako nagsawang makinig nang makinig kahit na sirang plaka man sa tenga. Sa bawat letra, salita, pangungusap, hanggang sa nobela nila, maging masakit o hindi, masarap o hindi, mapait o hindi, ay iniintindi ko. Inuunawa ko, oo inuunawa ko.  Ang pagkamangha ko sa bawat nilikha ng Maykapal ay sinusulit ko, dahil sa kapanahunan mo, lahat ay may bayad na ito.

Oo makupad ako pero hindi ako madaling maloko. Hindi ako papalit-palit ng anyo. Ako ay si ako. Ang pagkakilala ko sa sarili ko ay si ako. Iyon ay itinaga ko sa bato. Oo korni at baduy ang sinulat kong ito, na nilalaman ng damdamin ko, oo di mo tatapusing basahin ang kathang ito, at kitang-kita ko na nakakunot ang iyong noo pero hindi maiaalis sa akin ang mga bagay na ito. Sapagkat ito ay nakaukit sa aking puso.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s